Target ng pamahalaan na mahanap ang mga nakahalubilo ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa loob ng 24 oras.
Sinabi ito ni Department of the Interior and Local Government officer-in-charge Undersecretary Bernardo Florece sa harap nang patuloy na pagsirit ng mga naitatalang bagong COVID-19 cases sa kada araw.
Ayon kay Florece, paiigtingin pa nila ang kanilang mga ginagawang prevention, isolation, treatment at reintegration measures kasunod nang pagpapalawig ng pamahalaan sa umiiral na enhanced community qurantine sa Metro Manila at apat na karatig probinsya.
Ayon kay Florece, aabot sa 18,000 na karagdagang contact tracers ang ilalaan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa Metro Manila.
Sa ngayon kasi, aabot lamang sa 9,000 ang natitirang contact tracers sa Metro Manila, mula sa 50,000 na kinuha ng pamahalaan para sa buong bansa noong nakaraang taon.
Sa ngayon, aabot lamang sa 15,000 ang natititrang contact tracers para sa buong bansa.
Dahil dito, nangako ang labor department na kukuha ng 7,000 na karagdagang contact tracers para sa National Capital Region, habang ang MMDA naman ay kukuha ng 600 iba pa.
Ang PNP naman ay magpapakalat din ng 360 sa kanilang mga tauhan, at ang ibang region ay nagpahiram din ng nasa 300 contact tracers.
Nauna nang sinabi ni COVID-19 contact-tracing czar Benjamin Magalong na mayroong “gradual decrease” sa mga hakbang sa paghahanap ng mga nakahalubilo ng mga nagpositibo sa COVID-19.
“For the past 4 weeks, nakita niyo na talagang nag-deteriorate nang malaki. And look at the average, from 1:7, the national average, it went down to 1:3. Ibig sabihin… sa contact tracing efficiency ratio of 1:3 to 1:5, ang nako-cocontact trace lang ho d’yan are members of the household,” ani Magalong.