-- Advertisements --

NAGA CITY- Tuluyan ng binuksan para sa mga deboto ang kapilya ng Amang Hinulid sa Barangay Sta. Salud, Calabanga, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Virginia Oliva, sinabi nitong ang naturang desisyon ang base sa naging pagpupulong nila ng mga opisyal sa naturang bayan.

Ayon kay Oliva, papayagan nang makapasok ang mga deboto ngunit mahigpit na ipinagbabawal ang paghawak sa imahe habang kinakailangan din ang pagsunod sa iba pang health protocols.

Maliban dito, pansamantala munang ipagbabawal ang pagtitinda sa harap ng kapilya habang isang araw lamang ang nakatakdang misa na gagawin pagsapit ng alas 9:00 ng umaga.

Nabatid na maliban sa Our Lady of Peñafrancia sa Naga City, ang naturang imahe ang isa sa mga dinarayo ng libo-libong mga deboto hindi lamang ng mga Bicolano ngunit maging ng mga taong mula pa sa iba’t ibang panig ng bansa lalo na tuwing Mahal na Araw.