Ibabalik na sa 100 percent ang passenger capacity ng MRT3 simula Marso 1 mula sa kasalukuyang 70 percent lamang.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), isasagawa ito kasabay nang pag-downgrade sa alert level status ng National Capital Region sa Alert Level 1 mula sa kasalukuyang Alert Level 2 simula Marso 1.
Nabatid na sa kada train set ng MRT3, nasa 1,182 pasahero ang kayang maisakay o katumbas ng 394 pasahero sa kada bagon.
Ang bawat train set ay binubuo ng tatlong bagon.
Iginiit ng DOTr na ang pagtaas ng kapasidad ng mga tren ay bilang tugon na rin ng pamunuan ng MRT3 at DOTr sa pagtaas sa demand sa pampublikong transportasyon sa pagbubukas ng mas maraming mga establisiyemento sa Metro Manila.
Pinapaalalahanan naman ng DOTr ang mga pasahero na dapat strikto pa ring sundin ang minimum public health standards, ibig-sabihin ay bawal pa rin ang pag-uusap, pagkain, pag-inom at pagsagot ng telepono sa tuwing nasa loob ng mga tren.
Obligado pa rin ang mga pasahero na magsuot ng face mask habang voluntary pa rin naman ang pagsuot ng face shields.