KORONADAL CITY – Mistulang nagkakaroon na ng agawan ng mga investors ang pagdami ng investment scheme sa South Central Mindanao.
Isa sa nakakaramdam na ng epekto ng unti-unting pagbawas ng mga investors ay ang Kabus Padatuon o KAPA investment group na iligal na nag-o-operate base sa Securities and Exchange Commission o SEC sa South Cotabato at iba pang kalapit na probinsya.
Napag-alaman na nagsisilipatan na ang maraming binansagang “willing victims” na investors ng KAPA, sa panibago na namang investment scheme na Rigen na hinigitan ang 30% na tubo ng KAPA na umaabot sa 400%.
Dahil dito, nagkakaroon na umano ng blocklisting sa mga KAPA members na hindi na loyal sa nasabing grupo.
Kaugnay nito, malaki ang posibilidad na habang nababawasan ang bilang ng mga investors ng KAPA ay hindi na rin nito mapapanaytili ang ipinangakong 30% na tubo sa bawat perang inilagak ng mga investors.