KORONADAL CITY – Nagsasagawa na umano ng pasekretong operasyon ang Kabus Padatoon (KAPA) Community International Ministry sa Lungsod ng Koronadal sa kabila ng stoppage order na ipinalabas ng korte laban sa nasabing grupo dahil sa “fraudulent” activities nito.
Sa impormasyong ipinaabot ng isang insider ng KAPA, nagsimula na ang pag pay-in ng mga dati at bagong miyembro kung saan isang nagngangalang Greg ang nag-oorganisa ng bagong patakaran sa pag-invest ng pera.
Dagdag pa nito na maagang pumunta ang mga miyembro dahil alas-8:30 pa lamang ay puwede nang makapagpay-in.
Gayunman, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng cellphone sa loob ng opisina lalo na ang pagkuha ng mga larawan kung saan nagiging front lamang daw ang sinasabing devotional program.
Sinasabing binantaan din na iba-blacklist ang mga miyembrong magpo-post ng anumang impormasyon sa KAPA lalo na sa kanilang mga pasekretong operasyon.
Una nang kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni Police Col. Joel Limson, Police Provincial Director ng South Cotabato-Philippine National Police, na may impormasyon na silang natanggap na may planong mag-operate ang KAPA sa ilalim ng bagong pangalan.
Binabalaan naman ang grupo na nakamonitor ang PNP sa kanilang galaw at itigil na ang panlolokong ginagawa sa mga miyembro nito.
Napag-alaman na 40% na ang pangakong return on investment ng KAPA sa kanilang mga miyembro na muling maglalagak ng kanilang pera.