-- Advertisements --

Muling nagpakawala ng ash plume ang Kanlaon Volcano noong Linggo ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Batay sa monitoring ng state volcanologists, naitala ang pagbuga ng abo mula alas-6:28 ng gabi hanggang alas-6:55 ng gabi, kung saan umabot sa humigit-kumulang 1,200 metro ang taas ng plume bago ito tangayin patungong timog-kanluran.

Ayon sa PHIVOLCS, nauna nang naobserbahan ang ash emissions noong Sabado ng umaga at Biyernes ng hapon, na patunay na nananatiling aktibo ang bulkan.

Patuloy na nakataas ang Alert Level 2, na nangangahulugang may “moderate level of volcanic unrest.”

Nagpaalala ang PHIVOLCS sa publiko na manatiling alerto dahil sa posibilidad ng biglaang pagputok, paglabas ng abo, at iba pang volcanic hazards sa paligid ng bulkan.