Nakatanggap ang Commission on Elections (Comelec) ng inisyal na ulat na isang kandidato ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang binaril-patay sa Bucay, Abra.
Ayon kay Comelec chairperson Erwin Garcia, kumandidato ang biktima sa pagka-konsehal ng barangay at natanggap nila ang impormasyon mula sa kanilang lokal na tanggapan sa Abra.
Aniya, ang poll body ay nakakatanggap ng mga ulat tungkol sa mga problemang may kinalaman sa halalan sa Abra, partikular sa Bucay.
Sinabi ni Garcia na naghihintay ang Comelec ng pormal na ulat sa insidente ng pamamaril para makapagdesisyon ang Comelec kung paano ito aaksyunan.
Kinumpirma rin ng Comelec chair na 122 na kandidato sa Abra ang umatras sa BSKE.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang komisyon sa DILG at PNP upang alamin ang mga dahilan sa naturang mga insidente.