-- Advertisements --
Vhong Navarro

Nakatakda raw maghain ng motion for reconsideration ang kampo ng actor-comedian na si Vhong Navarro kaugnay ng dalawang kasong kinahaharap nito sa korte sa Taguig.

Ayon kay Atty. Alma Mallongga, abogado ng aktor na si Ferdinand Navarro alyas Vhong Navarro na maghahain sila mosyon partikular sa dalawang kasong kinakaharap ng actor/comedian.

Ito ay matapos na naglabas ng warrant of arrest kahapon ng umaga ang Taguig Regional Trial Court (RTC) branch 116 para sa kasong acts of lasciviousness na agad namang piniyansahan sa halagang P36,000.

Pasado alas-5:00 naman ng hapon ay naglabas ng panibagong warrant of arrest ang branch 69 para naman sa kasong rape na isang non-bailable offense na isinampa rin ng complainant na modelong si Deniece Cornejo.

Makaraan namang boluntaryong sumuko ay pansamantalang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) si Navarro habang ipinoproseso ang return of the warrant sa korte para matukoy kung saang piitan ito ikukulong.