Sumuko na ang mga abogado ni US President Donald Trump na isulong pa ang kaso na inihain ng mga ito sa estado ng Arizona.
Ito ay upang muling bilangain ang balota sa katatapos lamang ng presidential elections sa Estados Unidos matapos mapag-alaman ng mga ito na masyado raw talagang maliit ang tsansa na manalo si Trump sa nasabing estado.
Noong nakaraang linggo nang maghain ng kaso ang kampo ng Republican president sa paniniwalang may ilang botante umano ang naguluhan sa araw ng eleksyon.
Kasama na rito ang takot umano na nararamdaman ng mga supporters ng Republican president na hindi mabibilang ang kanilang boto. Dahil dito ay ninais ng kampo ni Trump na magkaroon ng hand review sa mga balota na na-flag ng vote tabulation machines bilang overvotes.
Posible aniya na karamihan sa mga boto na para kay Trump ay napunta kay Presumptive US President Joe Biden.
Naglabas naman ng pahayag hinggil dito ang kampo ni Biden, anila sinayang lamang ng Republicans ang oras ng lahat dahil pilit nilang ipinaglalaban ang kanilang mga alegasyon na kulang umano sa basehan at ebidensya.