Hindi pa rin nagpapatalo ang kampo ni US President Donald Trump na isulong ang in-person presidential debate sa pagitan nila ni Democratic nominee Joe Biden.
Sa kabila kasi ng napagkasunduan ng kampo ni Biden at Commission on Presidential Debates na huwag nang ituloy ang ikalawang debate nila ni Trump, ay pinipilit pa rin ng Republican president na ituloy ito dahil magaling na raw siya mula sa deadly virus.
Ayon kay White House deputy communications director Brian Morgenstern, handang handa na umano makipag-debate ni Trump at binigyan na rin daw ito ng go-signal ng kaniyang mga doktor na ituloy ang kaniyang public engagements.
Sa kabila nito ay hindi naman sinabi ni Morgenstern kung kailan ginawa ang huling COVID test ng American president.
Noong nakaraang linggo nang ianunsyo ng Commission on Presidential Debates na gagawin na lamang virtual ikalawang presidential debate nina Trump at Biden na nakatakda sanang gawin sa Michigan ngayong linggo.
Mariin naman itong inalmahan ni Trump at sinabing hindi siya dadalo kung gagawing virtual ang debate.