-- Advertisements --

Samu’t saring kritisismo ang ibinabato ngayon kay US President Donald Trump matapos nitong di-umano’y hindi ipaalam sa US Congress ang pagpatay kay Iranian Gen. Qassem Soleimani.

Ayon sa mga Democrats sa Kongreso, malinaw umanong nabigo ang Trump administration na kumonsulta muna sa legislative leaders bago gawin ang drone attack noong nakaraang Biyernes laban kay Soleimani.

Sinabi ni Senate’s top Democrat Chuck Schumer na walang sapat na otoridad si Trump upang tugunan ang isyu sa Iran. ngunit iginiit ni Secretary of State Mike Pompeo na mananatiling legal ang kahit anong military strike ng Estados Unidos sa Iran.

Noong Sabado nang ipadala raw ng White House sa Kongreso ang formal notification patungkol sa drone strike sa ilalim ng War Powers Act.

Mayroon namang 48 oras ang Kongreso upang pirmahan ang nasabing sulat saka lamang ito pahihintulutan na ipadala ang tropa militar ng Amerika sa sitwasyon na maaaring mauwi sa gyera.

Saad pa ni Pompeo, isang malaking kapabayaan sa panig ng United States kung hindi nito papatayin si Soleimani.

Samantala, patuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo kasabay ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Amerika at Iran.

Pumalo na sa $70.24 kada barilya ang presyo para sa global benchmark na Brent Crude. Ito ang kauna-unahang beses na umabot ito sa nasabing presyo sa loob ng anim na buwan.

Nasa $64.36 kada barilya naman ang US oil.

Tumaas ng halos 3% ang presyo ng langis noong Biyernes matapos mapatay ng air strike ng US ang Iranian Commander na si Gen. Qaaem Soleimani.