Muling iginiit ng kampo ni Congressman Arnolfo Teves Jr. na walang direktang ebidensya laban sa kaniya ang mga alegasyong nauugnay sa kasong pamamaslang kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo.
Ito ang binigyang-diin ng counsel ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio kung saan sinabi niya na pawang mga “hearsay” lamang ang nasabing mga alegasyon.
Paglilinaw ni Topacio, batay aniya sa sinabi ng mga suspek sa kamakailan lang na kumalat na video ng ambush interview sa mga ito ay “mayroon daw silang isang ‘Marvin’ na nakausap na di umano’y middleman ng mga guns for hire na ang nagpautos nito ay isang Congressman Teves.”.
Aniya, ito ang dahilan kung bakit walang direct evidence laban kay Cong. Arnie Teves hinggil sa pagkakadawit ng pangalan nito bilang mastermind sa pagpapapatay kay Degamo.
Dagdag pa ni Topacio, hindi rin daw kakilala ni Teves ang “Marvin” na binabanggit umano ng mga suspek.
Samantala, kaugnay nito ay nanawagan naman si Topacio sa mga otoridad na tignan rin ang iba pang mga posibleng anggulo sa kasong ito.
Kung maaalala, una nang sinabi ni Atty. Topacio sa panayam ng Bombo Radyo Philippines na ang lahat ng mga ebidensyang nakalap ng Pambansang Pulisya batay sa mga naging salaysay ng mga naarestong suspek at pamilya Degamo ay pawang mga walang saysay at walang bearing dahil tanging ang korte lang aniya ang makakapagsabi kung sino talaga ang may sala sa karumaldumal na krimen na ito.