-- Advertisements --
image 299

Idudulog ng kampo ni Negros Oriental 3rd district Representative Arnolfo Teves Jr. sa Commission on Human Rights ang natatanggap umano ng kaniyang pamilya na harassment mula sa public officials sa gitna ng mga isyu na kinasasangkutan nito na isa sa ikinanta ng mga suspek na utak umano ng pagpatay kay Governor Roel Degamo.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves na maghahain sila ngayong araw ng complaint sa Commission on Human Rights laban sa pag-abuso at iba pang abuses sa karapatang pantao na ginawa laban sa mga biktima ng ikinasang raid.

Matatandaan na noong nakalipas na linggo, nagsagawa ng raid ang mga awtoridad sa apat na properties na pagmamay-ari ng pamilya Teves sa gitna ng mga isyu na kinakaharap ng mambabatas.

Ayon sa kampo ni Teves na ang naturang raid ay hindi sumunod sa protocols kung saan planted lamang aniya ang mga nakumpiskang armas sa kanilang properties.

Inireklamo din ng isa sa mga naaresto sa raid na pinagbantaan siya at nakaranas ng physical abuse mula sa mga awtoridad para tumestigo laban kay Teves.

Tiniyak naman ng Atty. Topacio na ang kanilang ihahaing complaint ay dadaan sa oath o panunumpa ng mga testigo para magkaroon ng legal na basehan sa pag-asang maaksyunan agad ng CHR ang naturang isyu.

Matatandaan na ikinanta ng isa sa mga suspek sa pagpaslang kay Gov. Degamo na isang nagngangalang Congressman Teves ang utak aniya ng karumal dumal na krimen.

Bagamat una na ring itinanggi ni Congressman Teves ang naturang paratang.