VIGAN CITY – Hindi umano papaapekto ang kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos sa mga patutsada ni Vice President (VP) Leni Robredo hinggil sa pagpapawalang-bisa nito sa election protest na naihain laban sa kaniya.
May kaugnayan pa rin ito sa pinaniniwalaang dayaang nangyari noong 2016 national elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Atty. Vic Rodriguez, legal counsel ni Marcos, na mayroon na silang inihaing memorandum upang maituloy ang manual recount sa mga lalawigan na pinaniniwalaang nagkaroon ng dayaan.
Mayroon na rin daw silang memorandum upang maaprubahan ang kanilang hiling na mapawalang-bisa ang election result sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao, dahil sa isyu ng terorismo at pre-shading ng balota.
Ito ang reaksyon ng kampo ng dating senador hinggil sa kahilingan ng bise presidente sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na ibasura na ang election protest na naihain laban sa kaniya dahil naniniwala itong walang ebidensiya ng substantial recovery sa initial recount na naipakita ang kabilang kampo.
Kung maaalala sa nasabing initial recount, nanalo ang si Robredo ng na higit sa 15,000 votes laban sa dating senador.