-- Advertisements --
Screenshot 2020 08 08 13 49 52

CAUAYAN CITY – Isinailalim sa 15 na araw na enhanced community quarantine (ECQ) ang kampo ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa Camp Melchor dela Cruz sa Upi, Gamu, Isabela dahil sa pagkakatala ng community transmission virus sa mga lugar na nasa paligid nito tulad ng Ilagan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Noriel Tayaban, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, Philippine Army, sinabi niya na isinailalim sa 15 araw na ECQ na nagsimula noong Martes ng gabi ang kampo ng 5th ID.

Dahil dito, nagdeklara ng ECQ ang pamunuan ng 5th ID para makontrol ang galaw ng mga sundalo.

Una rito ay isinailalim sa lockdown ang 502nd Infantry Brigade Philippine Army sa Echague, Isabela matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang sundalo.

Ayon kay Major Tayaban, sa ngayon ay skeletal force muna ang kanilang ipinatupad sa mga opisina sa loob ng kampo at idinadaan na lamang sa DPC ang kanilang mga pagpupulong.

Ang mga naabutan ng lockdown sa loob ng kampo ay hindi muna pinayagang lumabas.

Sinabi ni Major Tayaban na sa mga tindahan na lamang muna sa loob ng kampo bumibili ang mga sundalo ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Tiniyak naman ng opisyal na sa kabila nito ay ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para malabanan ang pandemyang nararanasan sa buong mundo.