-- Advertisements --

Pinuri ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang panibagong utos ni Manila City Mayor Isko Moreno na nagpapatanggal sa pangalan ng mga pulitiko na nasa ilang proyekto ng lokal na pamahalaan.

Sa isang panayam sinabi ni DILG Usec. Epimaco Densing III na dapat tularan ng ilang pulitiko ang hakbang ni Moreno dahil hindi naman daw talaga dapat inilalagay ang pangalan ng mga ito sa alin mang gusali o gamit na galing sa local government.

Dagdag pa ng opisyal, naging mitsa pa ang hakbang ng Manila City mayor para mapuna ang pagkukulang sa aksyon ng ilang lokal na opisyal.

Nitong Martes nang atasan ni Moreno ang Manila City School Board na tanggalin ang pangalan ng mga pulitiko sa lahat ng public schools sa siyudad, kabilang na ang kanyang pangalan.