KALIBO, Aklan — Lalo pang pinaigting ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-Aklan) ang kampanya laban sa ilegal na droga sa Isla ng Boracay.
Ayon kay Provincial Officer Investigation Agent V Jane Fatima Tuadles lumagda sa isang kasunduan ang Philippine National Police, PDEA at Department of Tourism upang mapigilan ang pagkalat ng ilegal na droga sa isla.
Sa ilalim aniya ng kasunduan, maglalagay ang PDEA ng Tourism Operation Protection Against Illegal Drugs o PDEA TOP AID assistance and complaint desks sa mga sikat na tourist destinations sa bansa kagaya ng Boracay.
Kasama sa kanilang monitoring sa mga pantalan ang mga K-9 sniffing dogs sa pag-inspeksyon ng mga bagahe gayundin sa mga pumapasok at lumalabas na mga turista.
Samantala, hinikayat rin ng PDEA ang mga opisyal ng tatlong barangay sa isla na maging mapagbantay sa kanilang nasasakupan lalo na sa mga bagong salta sa lugar upang agad na mahuli ang mga nagpupuslit ng illegal na droga at iba pang kontrabando.










