Tiniyak ni House Ways and Means Chair at Albay 2nd District Representative Joey Salceda kay European Ambassador to the Philippines, Luc Veron na suportado ng Kamara ang anumang hakbang para sa pagpapabuti ng mga pamantayan sa pagsasanay para sa mga Pinoy seafarers.
Tinatayang nasa 50,000 Pinoy seaman ang nanganganib na mawawalan ng trabaho sakaling hindi maging maganda ang resulta sa gagawing audit ng European Maritime Safety Agency.
Nakatakda ang nasabing audit ngayong buwan ng Nobyembre, layon nito kung nasusunod ng mga Pinoy seafarers ang international standard.
“Ang European-hired Pinoy seafarers ay ilan sa aming pinakamataas na kinikita. Ang mga ito ay nagkakaloob ng mga 50,000 napakahusay na suweldong trabaho. At maaari tayong mawalan ng malaking bilang ng mga trabahong iyon kung hindi tayo muling mag-audit sa EMSA ngayong Nobyembre,” babala ni Salceda.
Sa unang bahagi ng linggong ito, inihayag ng Department of Migrant Workers na ito ay inatasan ni Pangulong Marcos, kasama ng iba pang ahensya na tiyaking sumusunod ang bansa sa mga natuklasan ng EMSA.
Isang sulat ang ipinadala ni Rep. Salceda sa European Ambassador noong November 3 at siniguro na suportado ng Kongreso sa anumang inisyatiba na kanilang ibabahagi ukol dito.
Binigyang-diin ng economist solon na handa siyang makipagtulumgan sa delegasyon ng European Union sa Pilipinas upang isulong ang interes ng mga Filipino seafarer at European shipping at logistics sa mga lugar tulad ng Filipino seafarer training.
Sinabi ng mambabatas na kaniyang naiintindihan na ang mga natuklasan ng European Maritime Safety Agency (EMSA) sa mga nakaraang taon ay naglagay sa panganib sa pagiging kwalipikado para sa trabaho ng humigit-kumulang 50,000 Filipino seafarer.
Nag-alok din si Salceda na palakasin ang mga lokal na pagsisikap ng delegasyon ng EU upang matulungan ang mga maritime schools sa Pilipinas na pagbutihin pa ang pagsasanay.
Aniya, panahon na para palakasin ang pagsasanay sa mga marino at seryosohin ang mga concerns ng EMSA.
“But we need to boost our training and take serious heed of the concerns of EMSA. We have been failing their audits for at least 16 years already,” Salceda emphasized.
Sinabi ni Salceda na ang pagpapanatili ng EU-hired seafaring jobs ay kritikal dahil ang bansa ay nagpoprotekta sa mga foreign currency reserves nito at naghahangad na makabangon mula sa tinatawag nitong “a fluid domestic jobs situation.”
Dagdag pa ni Salceda, kung ang mga natuklasan ng EMSA ay masyadong masama, ilan sa mga ito ay maaaring mag-alinlangan na sa pagkuha ng mga Pilipinong seaman na makakasama sa mga trabaho sa naturang sektor.