Target ng Kamara na pagbotohan ang resolusyon na nagpapanukalang amiyendahan ang 1987 Constitution sa o bago pa man sumapit ang Marso 24.
Ayon kay House Committee on Constitutional Amendments chairman Alfredo Garbin Jr. na sisikapin nilang mapagbotohan ang Resolution of Both Houses No. 2 (RBH 2), na naglalayong magpasok ng mga amiyenda sa ilang economic provisions ng Saligang Batas, bago ang kanilang break.
Sa ngayon, nasa period of interpellation and debate sa plenaryo ng Kamara ang RBH2.
Sa ilalim ng RBH 2, isisingit ang mga katagang “unless otherwise provided by law” sa constitutional restrictions na naglilimita sa partisipasyon ng mga foreign investors sa ekonomiya ng bansa.
Kaparehong mga kataga ang isisingit din sa mga probisyon na nagsasabi na tanging ang mga Pilipino lamang ang maaring mag-control, magmay-ari, at/o makapag-upa sa mga public utilities, educational institutions, mass media companies, at advertising companies sa bansa.