-- Advertisements --

Muling tiniyak ng liderato ng Kamara na raratipikahan nila ang 2022 General Appropriations Bill bago pa man matapos ang kasalukuyang taon.

Sinabi ito ni House Majority Leader Martin Romualdez kasunod nang pagkikita nilang mga kongresista at senador para sa isang Bicameral Conference Committee meeting ngayong araw para ayusin ang pagkakaiba ng kanikanilang bersyon ng panukalang pondo para sa 2022.

Ayon kay Romualdez, target nilang maayos ang pagkakaiba ng bersyon ng Senado at Kamara sa 2022 GAB ngayong linggo, at sa susunod na linggo naman ang plenary discussion para rito.

Sinabi ng kongresista na bago pa man ang kanilang Christmas break ay mararatipikahan na ng Senado at Kamara ang panukalang pondo para sa susunod na taon upang sa gayon maiakyat din sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte kaagad para maiwasan ang pagkakaroon ng reenacted budget sa 2022.