-- Advertisements --

Umabot na sa humigit-kumulang 1.4 milyong pamilya ang nakalabas o “naka-graduate” na mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula noong 2022, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Dahil dito, sinabi ng ahensya na magre-restore o magbabalik lamang ng humigit-kumulang 500,000 benepisyaryo upang patuloy na matulungan ang mga pamilyang nananatiling mahirap, batay sa pinakabagong datos.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, hindi ito dagdag sa programa kundi ibabalik lamang ng mga kuwalipikadong pamilya na hindi pa rin umaangat sa kahirapan.

Ipinaliwanag niya na mula sa dating 4.4 milyong households, nabawasan ito matapos makapagtapos ang ilang pamilya sa programa dahil gumanda na ang kanilang kabuhayan o hindi na sila kwalipikado, tulad ng pagkakaroon ng mga anak na nakatapos na sa pag-aaral.

Batay aniya ito sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), na siyang nagsisilbing basehan ng listahan ng benepisyaryo.

Nilinaw din ng DSWD na ang 4Ps ay nakatuon sa edukasyon at kalusugan, kung saan tumatanggap ang mga kwalipikadong pamilya ng conditional cash grants depende sa kanilang compliance sa requirements tulad ng pagpasok sa paaralan at pagpapabakuna.

Tinatayang umaabot sa hanggang P3,500 ang tulong na natatanggap ng mga pamilya.

Giit ng ahensya, layunin ng programa na tapusin ang kahirapan sa mga susunod na henerasyon, at hindi umano ito nagiging sanhi ng dependency gaya ng ilang mga natatanggap na kristisismo ng ahensya.