Determinado ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipasa na ang natitirang reporma sa buwis ng Duterte administration.
Kahapon lang inaprubahan ng House ways and means committee ang Package 3 ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng pamahalaan.
Layon ng House Bill 305 na magkaroon ng reporma sa real property valuation at assessment sa bansa para gawin itong mas madali at maayos.
Hanagad din nito na bigyan ng kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na gumawa ng sariling pagkukunan ng kita at buwis.
Ayon sa chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda, tinatayang aabot sa P1 billion ang incremental revenue ng pamahalaan sa oras na maging ganap na batas ito.
Samantala, nauna nang inaprubahan naman ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 304 o ang “Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act” (PIFITA), at HB 300 o “Amendment of the Foreign Investments Act (FIA)”.
Ibinida ni Salceda na naaprubahan ang mga panukalang ito dahil na rin sa gabay at pagpupursige ng Kamara ng liderato ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Target ng PIFITA na gawing mas madali at simple ang pagkolekta ng buwis ng pamahalaan, habang sa ilalim naman ng pag-amiyenda sa FIA ay maluluwagan ang restrictions sa pamumuhunan ng mga dayuhan.
Iginiit ni Salceda na malaki ang maiaambag sa ekonomiya ng mga panuakalang ito sa oras na maging ganap na batas ang mga ito.