-- Advertisements --

Plano ni House Speaker Martin Romualdes na imbitahan sa Kamara ang mga opisyal ng mga kompanya ng langis, sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo upang maibsan ang paghihirap ng mga motorista.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang mataas na presyo ng produktong petrolyo ay itinutulak ng pagtaas nito sa pandaigdigang pamilihan at tali rin umano ang kamay ng gobyerno dahil sa Oil Deregulation Law.

Subalit ipinunto ni Romualdez na ang ibinebenta ng mga kompanya ng langis ngayon sa bansa ay hindi nila ito nabili sa mataas na presyo.

Sinabi ni Speaker, balak niya kausapin ang mga opisyal ng oil companies na kung maaari ay huwag muna magtaas ng presyo.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na maibsan ang mabigat na pasanin ng publiko.

Sisilipin umano ng Kamara ang mga nakabinbing panukala na naglalayong amyendahan ang Oil Deregulation Law upang malaman kung ano ang mga hakbang na maaaring gawin upang mapababa ang presyo ng produktong petrolyo.