-- Advertisements --

Pinasalamatan ng House of Representatives si dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng Leyte sa pamamagitan ng isang resolusyon na kumikilala sa kanyang mahusay at makabuluhang pamumuno na nagpatatag sa lehislatura.

Sa ilalim ng House Resolution No. 287, kinilala ang pamumuno ni Romualdez bilang “transformatibo” at nagdulot ng record-breaking na legislative output — 13,971 panukalang batas ang naaksyunan, 1,597 ang naaprubahan, at mahigit 350 ang naging ganap na batas sa ika-19 na Kongreso.

Ayon sa mga kapwa mambabatas, isa si Romualdez sa mga lider na nagbuklod ng iba’t ibang partido at henerasyon, at nagtaguyod ng isang kolaboratibong kapaligiran sa Kamara.

Binigyang-diin din sa resolusyon na si Romualdez ay boluntaryong bumaba sa puwesto bilang Speaker hindi dahil sa anumang pagkakasala  kundi upang bigyang-daan ang malayang imbestigasyon kaugnay ng mga isyu sa ilang proyekto ng gobyerno.

Kabilang sa mga pangunahing batas na naisulong sa ilalim ng kanyang liderato ay ang SIM Registration Act, Maharlika Investment Fund Act, Trabaho Para sa Bayan Act, at Ease of Paying Taxes Act.

Pinuri rin si Romualdez sa kanyang matatag na pangangasiwa at pagsuporta sa transparency, lalo na sa mga imbestigasyon sa agricultural smuggling, mataas na singil sa kuryente, at maling paggamit ng pondo ng bayan.

Ayon pa sa resolusyon, naging matagumpay rin ang parliamentary diplomacy ni Romualdez, lalo na sa pakikipag-ugnayan sa mga lider ng Kongreso ng Amerika, na nakatulong sa opisyal na pagbisita ni Pangulong Marcos sa Washington at sa pagpapalawak ng ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Tinawag siya ng Kamara bilang “arkitekto ng pagkakaisa,” na pinamunuan ang institusyon sa pamamagitan ng inclusive governance at constructive dialogue.

Sa pag-aadopt ng resolusyon, kinilala ng mga mambabatas ang “enduring legacy” ni Romualdez, na nagtaguyod ng national unity, transparency, at paglilingkod sa bayan.