-- Advertisements --

Pinag-aaralan ngayon ng Kamara ang panukalang P150 hanggang P350 kada araw na umento sa sahod ng mga manggagawa, mas mataas sa P100 taas-sahod na inaprubahan ng Senado.

Ayon kay House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, masyadong mababa ang P100 umento sa sahod lalo at patuloy ang pataas ng presyo ng mga bilihin.

Sinabi ni Dalipe na inatasan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Kamara na tukuyin ang epektibong paraan kung paano mapalaki ang take home pay ng mga manggagawa kabilang na ang pagsasabatas ng umento sa sahod at pagbabago ng mekanismo ng regional wage board.

Sinabi ni Dalipe na nakahanda ang House Committee on Labor and Employment na gawing prayoridad ang pagsusuri sa mga nakabinbing panukala sa umento. Kabilang na rito ang panukala ni Deputy Speaker Raymund Mendoza, na nagsusulong ng P150 across-the-board wage increase.

Ipinunto ni dalipa na ang inaprubahang panukala ng Senado na P100 pagtaas ng sahod ay hindi sasapat sa mga pangangailangan ng mga manggagawa.

Aniya, hangad ng mga kongresista ang mas mataas na umento, kaya’t iminumungkahi ang pagsasabatas ng umento sa pagitan ng P150 hanggang P350 kada araw.

Naniniwala ang mga mambabatas na mas angkop ang halagang ito sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Ipinunto ni Dalipe ang kahalagahan na mabalanse ang pangangailangan ng mga manggagawa at ang katatagan ng mga negosyo lalo at malaking bahagi ng ekonomiya ang binubuo ng MSMEs.

Giit pa ng Zamboanguenio solon na mahalaga din na magsagawa ng komprehensibong konsultasyon sa lahat ng stakeholder upang matiyak na ang pagbibigay ng umento sa sahod ay mapapakinabangan at may pangmatagalang mapagkukunan para sa mga maaapektuhan nito.