-- Advertisements --

Nakikipagtulungan ngayon ang House of Representatives sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa agarang pagpalaya sa 17 Pilipinong manlalayag na dinukot ng Houthi rebels sa Red Sea.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez lubhang ikinabahala ng mga miyembro ng Kamara ang insidente at nananawagan ang mga ito para sa agarang pagpapalaya sa mga Pilipino.

Sinabi ni Speaker na sila ay nalulungkot hinggil pagkakabihag sa 17 Pinoy seafarers ng mga Houthi rebels.

Noong Lunes, naglabas ang Houti rebels na nakabase sa Yemen ng isang video footage na nagpapakita na kanilang nakuha ang isang barko na ayon sa kanila ay pagmamay-ari ng isang Israeli company. Pero mali ang impormasyong ito ayon sa mga balita.

Ang barko, na ang mga miyembro ng crew ay mula sa Pilipinas, Bulgaria, Ukraine, Mexico, at Romania, ay patungo sa India mula sa Turkey ng sapilitang kunin ng mga rebelde.

Ayon kay Speaker Romualdez susuportahan ng Kamara ang mga hakbang upang agad na mapalaya ang mga hostage na Pilipino.

Nananawagan naman si Speaker sa international community na makiisa at kondenahin ang nasabing aksiyon.