-- Advertisements --

Tiniyak ng House of Representatives na nakahanda silang isailalim sa briefing ang mga senador upang mapawi ang kanilang mga pangamba hinggil sa panukalang amiyenda sa Rice Tariffication Law.

Ayon kay House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon Rep. Mark Enverga, na kanilang nauunawaan umano ang agam-agam ng Senado kabilang na si Senadora Cynthia Villar hinggil sa mga isyung kinasasangkutan ng National Food Authority (NFA) ngunit madadaan aniya ito sa paliwanagan o dayalogo para maplantsa ang “disagreeing provisions”.

Kumpiyansa rin ang kongresista na sa tulong ni House Speaker Martin Romualdez at maging ng Presidential Legislative Liaison Office ay maidadaan sa magandang usapan ang RTL amendments.

Binigyang-diin ni Enverga, tanging ang NFA ang eksperto sa monitoring at registration ng mga bodega ng bigas gayundin sa pagpapahupa ng presyo nito sa merkado.

Naglagay na umano ng safeguard measures ang Kamara kabilang ang pagsisigurong “last resort” na lang ang pag-iimport ng bigas.

Sang-ayon naman si Enverga sa pahayag ni Villar na mahalagang maipasa ang Agricultural Economic Sabotage Law upang mapigilan sa pagsasamantala ng mga magsasaka at consumers ang mga middlemen at traders.

Ngunit upang maging matagumpay ito ay kailangan umanong maisabatas ang pag-amiyenda sa RTL upang mapalakas ang mandato ng NFA dahil kulang ang stabilization functions nito.