Inilunsad ngayong araw ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pre-State of the Nation Address (SONA) campaign nito kung saan itatampok ang iba’t ibang national at local measures na ipinatutupad ng mga mambabatas sa Kamara.
Sa ilalim ng “Sa Lahat ng Pagbabago, Salamat Pangulo!(A Pre-SONA Tribute by the 18th Congress)”, inatasan ang mga mambabatas, lalo na iyong mga kasama sa supermajority coalition, na mag-produce ng 60- hanggang 90-second videos tampok ang priority programs ng mga district at party-list lawmakers na ipinatupad magmula nang mahalal si Pangulong Duterte noong 2016.
Pormal na inilunsd ang kampanyang ito ngayong araw ng Lunes, Hulyo 5, 2021, kung saan itinampok ni Speaker Lord Allan Velasco ang lone district ng Marinduque na kanyang kinakatawan.
Sa isang statement, sinabi ni Velasco na lubos na nagpapasalamat silang mga kongresista kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa tulong nito sa mga programa para sa kanilang mga constituents.
Bukod dito, sinabi ng lider ng Kamara na magkakaroon ng multimedia exhibit sa North at South Wing lobbies ng batasang Pambansa sa Quezon City sa araw ng SONA sa Hulyo 26.
Magkakaroon din ng set up para sa mga accomplishments ni Pangulong Duterte sa entrance ng Main Building kung saan dadaan ang Punong Ehekutibo papunta sa plenaryo para sa huling SONA nito.
Sinabi ni Velasco na ginagawa nila ito dahil na-appreciate nila ang mga ginawa ni pangulong Duterte para sa bansa, kabilang na ang mga hakbang ng pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic kung saan naaprubahan ang mga Bayanihan laws, General Appropriations Act of 2021, at COVID-19 Vaccination Program Act.
Nauna nang sinabi ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na patuloy na nakikipag-ugnayan ang dalawang kapulungan ng Kongreso at Malacanang sa isa’t isa hinggil sa arrangements sa huling sona ni Duterte.










