-- Advertisements --

Matapos naghain ng House Resolution si Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan na naglalayong paimbestigahan ang pagkapanalo ng higit 400 Lotto winners.

Naghahanda na ngayon ang Kamara para sa gagawing imbestigasyon.

Batay sa House Resolution 463, inaatasan ang House Committee on Games and Amusements na magsagawa ng pagsisiyasat sa kontrobersyal na 6/55 Grand Lotto draw kung saan umabot sa 433 ang nanalo ng ₱236-million jackpot prize nitong October 1.

Dahil dito, umani ng samut saring reaksyon, ispekulasyon, at pagdududa sa ginanap na Lotto draw.

“We also have to safeguard the hopes and dreams of millions of Filipinos that patronize the lotto draws every day,” pahayag ni Libanan.

Sinabi ni Libanan, nais lamang ng Kongreso na protektahan ang integridad ng Lotto draws na pinamamahalaan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) lalo at malaki ang nai-aambag nito sa kaban ng bayan at sa pagpopondo sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan lalo na sa pagbibigay ng medical assistance at serbisyo sa mga mahihirap na Pilipino.

Nakakuha naman ang kada winning bettor ng halos ₱545,000 ngunit hindi pa kasama ang tax deductions.