Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ipagpapatuloy ng Kamara katuwang ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ang mga programa na makatutulong upang mapabagal ang inflation rate at matiyak na abot kaya ang presyo ng pagkain.
Ang pahayag ni Romualdez ay tugon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal ang inflation rate noong Disyembre 2023 na naitala sa 3.9 porsyento.
Nuong November 2023, naitala ang inflation sa 4.1 percent habang nuong Oktubre ay nasa 4.9 percent.
Sinabi ni Speaker na ang pagbagal ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay patunay aniya na may positibong resulta ang mga hakbang na ipinatupad ng administrasyong Marcos Jr. bago mag-Pasko.
Tinukoy pa nito na sinimulan ng bansa ang nakaraang taon na may 8.7 porsyentong inflation rate noong Enero na siyang pinakamataas sa loob ng 14 na taon, bunsod ng mataas na presyo ng pagkain at petrolyo.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang 3.9 porsyentong naitala noong Disyembre ay pasok sa target ng pamahalaan na 2 hanggang 4 porsyentong inflation rate.
Siniguro ni Speaker na mananatiling nakatutok ang Kamara sa pagtataguyod ng mga programa, lalo na ang mga pinondohan sa 2024 national budget, na higit na magpapababa ng inflation rate sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga magsasaka at mangingisda, pagpapalago ng ekonomiya at pagtulong sa bulnerableng sektor.
Ayon kay Speaker ang pondo ngayong taon ay sapat para suportahan ang mga magsasaka sa kanilang binhi, abono, at iba pang kagamitan sa pagsasaka, irigasyon at iba pang tulong.
Mayroon din aniyang bilyong pisong pondo para sa mga mahihirap, near poor o yung hindi sapat ang kita at mga vulnerable sector.
Sa ilalim ng 2024 national budget nakapaloob din dito ang P500 bilyong na nakalaan para sa social amelioration program o ayuda para sa may 12 milyong mahihirap at low-income families na tinatayang katumbas ng 48 milyong Pilipino.
Kasama dito ang programang AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita.
Ang mga benepisyaryo nito ay makatatanggap ng one-time cash assistance na nagkakahalaga ng P5,000.
May nakalaan namang P23 billion para sa AICS at P30 billion naman para sa TUPAD.
Ayon kay Romualdez malaking tulong sa malaking pagbaba ng inflation ang mga hakbang na ipinatupad ni Pangulong Marcos Jr. na kanilang sinuportahan sa Kongreso.
Partikular dito ang ipinataw na P45 price cap sa kada kilo ng bigas na ipinatupad noong Setyembre.
Binalaan naman ni Speaker ang mga smuggler ng agricultural products, hoarders at profiteers na mag-ingat dahil hindi sila tatantanan ng gobyerno at mananagot sila sa batas.