Inaprubahan ng House of Representatives ang House Resolution No. 905 na humihiling sa mga bangko at remittance centers na pansamantalang bawasan o alisin ang bayarin sa transaksyon para sa mga Pilipino sa Middle East at kanilang pamilya.
Ang nasabing resolusyon ay inihain ni House Majority Leader Sandro Marcos bilang tugon sa tumataas na gastos dulot ng pagmahal ng langis sanhi ng tensyon sa rehiyon.
Sinabi ni Marcos, layunin ng resolusyon na maibsan ang dagdag pasanin sa mga OFW at kanilang pamilya, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng transportasyon, kuryente, at pangunahing bilihin.
Binibigyang-diin din ng resolusyon na kahit may digital at online transactions, may kaakibat itong bayarin na nagpapabigat sa mga manggagawa.
Hinihikayat ng Kamara ang mga institusyong pinansyal na magpatupad ng pansamantalang hakbang upang agad na makatulong sa mga apektadong Pilipino.










