Bukas sa posibleng diplomatikong pag-uusap ang Iranian President na si Masoud Pezeshkian sa Estados Unidos ukol sa tinawag niyang “path of confrontation is more costly and futile than ever before.”
Ginawa ng opisyal ang pahayag ilang oras bago magbigay ng pahayag si U.S. President Donald Trump ukol sa sitwasyon ng digmaan sa Iran, na tinawag niyang “important update.”
Una nang inihayag ni Trump, na humiling na umano ang Iran ng cease-fire na agad namang itinanggi ni Iran’s Ministry of Foreign Affairs Spokesman, Esmaeil Baghaei.
Sa liham na inilabas ng Iran na may mahigit 1,000 salita, tinalakay ni Pezeshkian ang kasaysayan ng Iran sa pagharap sa mga pananakop at kaguluhan, at iginiit na hindi kailanman nagsimula ang Iran ng digmaan.
“Yet it has resolutely and bravely repelled those who have attacked it,” aniya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-uusap ng dalawang bansa na may malaking epekto sa susunod na henerasyon.
Nilinaw din ni Pezeshkian na ‘wala silang sama ng loob sa ibang mga bansa kabilang ang Amerika, Europa, o mga kalapit na bansa.
Sa ngayon hindi pa malinaw kung kinakatawan ng liham ang buong pamahalaan ng Iran, dahil ang Supreme Leader ng bansa ang may huling desisyon sa mga pangunahing usapin, kabilang ang negosasyon sa Washington.
Lumaki rin ang impluwensiya ng Islamic Revolutionary Guards Corps sa mga desisyon sa digmaan.
Kaugnay nito handa raw makipag-usap sa Supreme Leader at sa Islamic Revolutionary Guards Corps si Pezeshkian, tungkol sa pagiging bukas ng Iran na wakasan ang digmaan kung matitiyak ang permanenteng tigil-putukan.
Depensa rin ni Pezeshkian ang mga retaliatory strikes ng Iran laban sa Israel at iba pang bansa sa Persian Gulf ay bilang tugon lamang umano sa ginawa sa kanila, bagaman hindi niya tinalakay ang pagbubukas ng Strait of Hormuz na nagdulot ng kaguluhan matapos harangin ng Iran.















