Tiniyak ng isang party-list representative na nakahanda ang Kamara de Representantes na harapin ang anomang constitutional challenge na ihahain laban sa gagawin nitong pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Ayon kay 1-RIDER Rep. Rodge Gutierrez na hindi maiiwasan ang legal na pagbusisi sa pamamaraan ng pagbabago ng Saligang Batas kasabay ng pagtiyak na determinado ang Kapulungan na tumugon sa komplikadong usapin ng legalidad ng constitutional reform.
Ang tugon ni Gutierrez ay kaugnay ng naging pahayag ni retired Chief Justice Reynato Puno, na nagbabala na posibleng mauwi sa constitutional challenge ang pagdaragdag ng mga katagang “unless otherwise provided by law” sa economic provisions ng Saligang Batas.
Isa si Puno sa mga inimbitahang resource person sa pagtalakay ng Committee of the Whole sa Resolution of Both House No. 7. Kahalintulad ito ng panukala na tinatalakay ng Senado na layong amyendahan ang ilan sa probisyong pang ekonomiya ng Konstitusyon partikular ang patungkol sa public services, edukasyon, at advertising.
Tinuran ni Gutierrez ang paglilinaw ng dating punong mahistrado patungkol sa mga constitutional challenge sabay sabi na anomang pagtutulak para amyendahan ang Saligang Batas ay makukwestyon ang legalidad.
Sa kabila naman ng mga posibleng hamon binigyang diin ni Gutierrez na mahalaga pa ring ituloy ang amyenda sa Konstitusyon.
Idinagdag pa ni Gutierrez na anomang tahaking landas ng Kamara o ng Senado sa charter change ay haharap pa rin ito sa pagkuwestyon.
Mismong ang dating chief justice na rin aniya ang nagsabi na ang kawalan ng ispesipikong mga probisyon ay mauuwi rin sa pagkwestyon.
Pero tiwala ang mambabatas sa kakayanan ng hudikatura na desisyunan ito ng patas.
Maliban dito, ang taumbayan din naman aniya ang magdedesisyon sa usapin.










