-- Advertisements --

Nakatakdang bumuo ng komprehensibong rehabilitation plan ang Kamara para tulungan ang mga munisipalidad at lungsod sa Batangas, Cavite, at Laguna na apektado nang phreatic explosion ng Taal Volcano.

Binigyan diin ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang kahalagahan nang pagbuo ng short-term at long-term plans sa pag-restore at rehabilitate ng turismo at negosyo sa mga apektadong lugar.

“We know that the local government units and other government agencies are already handling the rescue and relief operations so Congress can focus more on planning for the rehabilitation efforts,” ani Cayetano sa isang statement.

Nakapaloob sa bubuuing plano ayon kay Cayetano, ay ang funding, logistical at operational support mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

“Different House committees and relevant government agencies as well as other urban planning experts can work on this plan to ensure that it is disaster-resilient and sustainable,” saad ni Cayetano.

Nauna nang sinabi ng PHIVOLCS na maaring umabot ng hanggang pitong buwan ang prolonged eruption ng Taal Volcano.

Gayunman, sinabi ni Cayetano na maaring kumuha ng pondo sa P16 billion na National Disaster Risk Reduction and Management Fund para gamitin sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.

Sa katunayan, sa naturang halaga, P3.3 billion aniya ang nakalaan sa aid at relief at rehabilitation services sa mga komunidad na apektado ng kalamidad at P4.2 billion naman ang alokasyon para sa repair at reconstruction ng mga permanent structures.

Sa ngayon, nananawagan ang lider ng Kamara ng bayanihan sa gitna ng patuloy na aktibidad na ipinapakita ng Taal.

“Let us stand strong with our countrymen who have been affected by Taal’s ash fall,” dagdag pa nito.