Binuksan na ngayon sa kauna-unahang pagkakataon ang Kalayaan Group of Islands sa West Philippine Sea para sa mga turista.
Ito ay sa pamamagitan ng inilunsad na Great Kalayaan Expedition project ng Kalayaan municipal government na layuning gawing tourist destination para sa game fishing and diving ang West Philippine Sea.
Nitong Huwebes, nagsimulang lumayag ang tourist expedition sa Kalayaan Group of Islands gamit ang pinakamalaking vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Melchora Aquino.
Lulan nito ang ilang miyembro ng technical working group ng Kalayaan tourism kabilang na ang mga representatives ng Palawan Provincial Tourism Office, Palawan Council for Sustainable Development, at gayundin ang ilang game fishing and recreational diving experts.
Bukod sa diving ay umaasa rin ang mga Kalayaan municipal officers na makilala rin ito bilang pangunahing destinasyon ng pangingisda sa bansa.
Ngunit gayunpaman ay inamin din ng mga otoridad na nananatili pa rin ang pagpapatupad ng security issues sa lugar sa gitna pa rin yan ng presensya ng mga Chinese vessels dahilan kung bakit patuloy pa rin ang pagbababala ng Naval Forces West sa posibilidad na masaksihan ang mga Chinese vessels.