Inamin ng Bureau of Fire Protection (BFP) na kalahati ng mga naitatalang sunog sa Iloilo City ay sanhi ng electric poles ng distribution utility na Panay Electric Company (PECO).

Sa 2,887 naitalang sunog sa Iloilo simula 2014 ay 1,464 dito ay mula sa mga poste ng PECO.

Ang nasabing datos ay isinumite ng BFP sa Energy Regulatory Commission (ERC) kasunod na rin panibagong serye ng sunog sa mga poste ng PECO na naitala noong Oktubre 19 hanggang 21 na una nang inireklamo sa ahensya at kasalukuyang na nitong iniimbestigahan.

Ayon sa BFP hindi nasosolusyunan ang problema sa pagkasunog ng mga poste ng PECO sa nakalipas na limang taon dahil na rin sa kawalan ng kumpanya ng mga trained na technical personnel na agad na makapagsasagawa ng trouble shoot sakaling may aberya sa mga poste.

Lumalabas na tanging nangangasiwa dito ay mga personnel na ang ginagawa ay monitoring at nagdodokumento ng mga kaso.

Sa report sa ERC inamin ni Iloilo City Fire Marshall Chief Inspector Christophe Regencia na bulto ng kanilang resources para sa sunog ay napupunta sa PECO dahil sa mga aberya, hindi gaya nang ma-assigned ito sa Cagayan de Oro, ang distrbution utility umano dito ay may sariling fire prevention and containment unit na nakatutok sa pole fires.

Bilang depensa sinabi ng PECO na kailangan na magkaroon muna ng final technical assessment para matukoy kung sila talaga ang pinagmumulan ng sunog sa mga electric poles gayong may iba pang mga kable ang nakadikit sa mga poste gaya ng sa telecommunications at cable TV companies.

Gayunman kinontra ito ni Regencia sa pagsasabing mas matitibay ang mga kable ng telecoms at cable TV na nasa 24 volt charge kumpara naman sa 220 voltage charge na gamit ng PECO.

Batay sa rekord ng BFP na isinumite sa ERC, noong 2014 ay 224 ang pole fires sa 427 sunog na naitala sa Iloilo; noong 2015 ay 228 ang pole fires, 303 pole fires noong 2016, 275 sunog noong 2017 at 233 noong 2018.

Ngayong Enero hanggang Oktubre 2019 ay 201 ang naitalang pole fires.

Sinabi ng BFP na sa kanilang imbestigasyon ay lumilitaw na “Short Circuit Secondary Service Lines” o sa madaling salita ay mga exposed electricity wires ang pinagmulan ng sunog gayundin ang pagkakaroon ng mga jumper.

Ang magkakasunud na sunog sa mga poste noong nakaraang buwan ang siyang nagudyok na sa lokal na pamahalaan ng Iloilo City na ireklamo na ang kumpanya sa Malacañang at ERC.

Ang PECO ay nag-o-operate na lamang sa ilalim ng provisional authority na inisyu ng ERC matapos hindi ito mabigyan ng legislative prangkisa ng Kongreso.

Binibigyan ang PECO ng ERC ng dalawang taon para mailipat ang lahat ng kanilang distribution assets sa bagong distibution utility na More Power and Electric Corp(MEPC) na siyang ginawaran ng prangkisa ng Kongreso matapos na rin ang mga kapalpakan ng PECO sa kanilang serbisyo.