-- Advertisements --

NAGA CITY- Mas nakakabahala ang sitwasyon ngayon sa Israel kumpara sa mga naunang mga giyera na naitala sa bansa kaugnay ng paglulusob ng militanteng grupong Hamas.

Sa panayam ng Bombo radyo Naga kay Bombo International News Correspondent Anna Andaya Arizala mula sa Israel, sinabi nito na brutal ang paraan ng pag-atake ng mga myembro ng Hamas militants.

Wala na kasi aniyang pinipili ang mga ito, maging bata man o matanda ay agad na inaatake makita lamang sa kalsada.

Ngunit binigyan-diin naman ni Arizala na nakahanda ang Israel sa kung ano man ang mga posible pang mangyari sa mga susunod na araw, lalo na’t sanay na rin aniya ito sa mga ganitong insidente

Ibinahagi pa nito na tuwing may mga pagdiriwang sa bansa ay palagi silang inaatake.

Dagdag pa ni Arizala, lahat ng mga bahay o building sa bansa ay may bomb shelter na maaari nilang gamitin kung tuluyan nang makarating ang mga Hamas militants sa kanilang lugar at hindi na nila magawang makalabas sa kanilang mga bahay o gusali.

Oras na tumunog na ang alarm o siren, kailangan na nilang lumikas o kaya naman ay pumasok sa bomb shelter upang iligtas ang kanilang sarili sa ano man na uri ng pag-atake.

Sa ngayon, paalala na lamang ni Arizala sa lahat ng mga Pinoy sa lugar na palaging tiyakin na nakalagay sa kanilang go bag ang kanilang mga importanteng papeles tulad na lamang ng kanilang passport upang mabilis na makatakbo kung kinakailangan.