-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan sa Kamara ang kasalukuyang kondisyon ng mga online platform-based delivery riders.

Sa paghahain niya ng House Resolution 1974, hinimok ni TUCP party-list Rep. Raymond Mendoza ang House Committee on Labor and Employment na imbestigahan ang working conditions ng mga delivery riders.

Pinatutukoy din nito sa komite kung mayroon bang employer-employee relationship sa pagitan ng mga riders at online platform.

Ayon kay Mendoza, target na maisama sa imbestigasyon na ito ang online platform-based companies tulad ng Food Panda, Grab, Angkas, Lalamove, at iba pang region-based.

Kamakailan lang, sinuspinde ng isang food delivery service ang ilan sa kanilang delivery riders sa Davao City dahil sa pakikibahagi ng mga ito sa isang unity ride para iparating ang kanilang suporta sa mga kapwa riders na suspendido o hindi binibigyan ng access sa mobile app sa nakalipas na 10 taon.

Nauna nang iginiit ng TUCP na ang mga delivery riders ay protektado rin ng mga probinsyon ng 1987 Constitution, pati na rin ng ILO Conventions 87 at 98 na kapwa niratipikahan ng Pilipinas.