Dumating na sa Cebu ang lahat ng pinuno at kinatawan ng Southeast Asia para sa ASEAN Summit 2026, kung saan unang dumating si Brunei Sultan Hassanal Bolkiah sakay ng sarili niyang eroplano na siya mismo ang nagpalipad.
Kasama ng Sultan ng Brunei ang kanyang anak na si Prince Abdul Mateen nang lumapag sila sa Mactan-Benito Ebuen Air Base noong Miyerkules ng gabi.
Sinalubong sila ng ilang opisyal ng gobyerno kabilang sina Social Welfare Secretary Rex Gatchalian at mga lokal na opisyal ng Cebu at Lapu-Lapu City.
Isinasagawa ang ASEAN Summit habang kinakaharap ng rehiyon ang epekto ng tumataas na presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., prayoridad ng Pilipinas bilang ASEAN chair ang energy security, food security, at kaligtasan ng mga mamamayan ng ASEAN sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa sidelines ng summit, nanawagan ang Pangulo sa mga miyembro ng Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) na gawing konkretong aksyon ang mga plano para sa mas matatag at maunlad na regional cooperation.
Nagkaroon din ng bilateral meeting ang Pilipinas at Vietnam kung saan napagkasunduan ng dalawang bansa na bumuo ng long-term rice trade mechanism upang matiyak ang sapat na suplay ng bigas at mapalakas ang kooperasyon sa food security.












