-- Advertisements --

Aabangan umano ni dating Senate President Tito Sotto kung susundin ni Senate President Alan Peter Cayetano ang kaniyang naunang pahayag na agad pag-convene sa Senado bilang isang impeachment court kapag natanggap na ang Articles of Impeachment.

Sa isang panayam ay ikinuwento ni Sotto ang naging usapan nila ni Cayetano kasunod ng biglaang pagbabago sa liderato ng Senado noong Lunes, May 11.

Ayon kay Sotto, sinabihan niya si Cayetano na sa araw mismo na matanggap niya ang Articles of Impeachment ay ipaalam na niya ito sa kaniyang mga kapwa senador.

Sa susunod na araw aniya, kailangan nang mag-constitute at mag-convene ang Senado bilang impeachment court.

Nangako naman umano si Cayetano na kaniyang susundin ang payo ni Sotto.

Ayon sa dating SP, panahon lamang ang makakapagsabi kung gagawin ito ng bagong presidente ng Senado, habang patuloy naman umano niyang babantayan ang mga susunod na mangyayari sa Mataas na Kapulungan.