Pinaiimbestigahan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. sa Kamara ang tila kakulangan aniya ng PHIVOLCS sa pagpapalabas ng abiso hinggil sa aktibidad ng Taal Volcano bago ito nag-alburuto noong Linggo, Enero 12, 2019.
Sa inihain niyang House Resolution No. 643, sinabi ni Barzaga na nagulat na lamang ang publiko sa phreatic eruption ng Taal.
Mandato aniya ng PHIVOLCS na i-asses at kaagad na maipabatid sa publiko ang anumang impormasyon sa mga bulkan sa bansa upang sa gayon ay mabalaan din ang mga ito at para maiwasan ang pagkalagas ng buhay sa sakuna.
Kaya marapat lamang na maimbestigahan aniya kung nagsagawa nga ba ng “comprehensive monitoring” ang PHIVOLCS sa sitwasyon at kung may “technical expertise” ito para makapagpalabas ng timely forecast sa eruption ng Bulkang Taal.
“Although PHIVOLCS has stated it raised a warning of Level 1 since March of 2019, there is a clearly a lac of dissemination of information in the hazards of volcanic activity of Taal Volcano to the general publiko and more particularly to its nearby cities and municipalities of Cavite, Laguna and Batangas,” ani Barzaga.
Tinukoy nito na noong nagpapakita ng pagbabago sa volcanic activity ang Taal noong Linggo ay wala man lang news bulletins o SMS alerts na inilabas ang PHIVOLCS at maging ang iba pang concerned agencies kaya may ilang nagpumilit pang pumunta malapit sa bulkan sa kabila nang pagbuga na nito ng abo.
Sa kabilang dako, sinabi rin ng kongresista na dapat kasuhan ang mga nagsasamantala matapos na taasan ang presyo ng mga face mask at ng pagkain.
Ito ay matapos naman na makatanggap ng impormasyon si Barzaga na ang dating P25 hanggang P30 kada isa ng N95 masks ay may ilang gahaman na negosyante ang nagbenta nito ng hanggang P200 kada isa.
Binigyan diin din ni Barzaga ang kahalagahan naman nang pagtukoy sa posibleng improvements sa mga hakbang ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Phivolcs, the Philippine National Police (PNP), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at mga lokal na pamahalaan sa tuwing mayroong sakuna.