Nananawagan si Sen. Imee Marcos sa pamahalaan na hanapan ng solusyon ang kakapusan sa “syringe” o karayom, sa harap ng inaasahang pagdating ng milyon-milyong Covid-19 vaccine sa bansa sa mga darating na buwan.

“Magandang balita ang pagbili ng 40 milyong doses mula sa Pfizer pero mayroon bang sapat na low dead space (LDS) syringe na kinakapos na ngayon sa United States mismo? Sana ang ating supply ay hindi makapagpapahinto sa ating vaccination program,” ani Marcos.

Tinukoy ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, na mahigit sa 75% ng mga syringe na ginagawa ng pinakamalaking manufacturer sa Pilipinas ay ini-export sa North America.

“Ang ating domestic supply ay umaasa sa importasyon. Ang gastos para dito ay hamon na sa Department of Health (DOH) mula pa noong unang bahagi ng taon,” dagdag pa ni Marcos.

Paliwanag ni Marcos, ang paggamit ng mga LDS syringe ay kayang gawin ang 40 million Pfizer doses sa 48 million, dahil nababawasan ang espasyo o puwang sa pagitan ng syringe plunger at dulo ng karayom, at nababawasan din ang aksaya ang bakuna.

Dahil dito, nakakahigop ang LDS syringe ng pang-anim na dose mula sa vial na pang-limahan lang. Pati sa Moderna vaccine nakakahigop ito ng isa pang dose sa vial na pang-sampuan, dagdag ni Marcos.

Bago pa sumiklab ang Covid-19 pandemic, ang LDS syringe ay ginagamit lamang sa mga partikular na sakit kaya limitado lang ang paggawa nito kumpara sa tradisyonal na siringhilya.

Dinaragdagan ngayon ng mga manufacturer ng syringe ang kanilang produksyon dahil sa banta na ang kakapusan nito ay magpapabagal sa pagkamit ng herd immunity kung dadami ang mga Covid-19 variants na magiging sanhi ng bagong mga “wave” ng impeksyon.

“Dapa i-abanse na ang mga order para sa mga low dead space syringes, panatilihin ang pagbakuna sa mas maraming tao, at isulong pa ang mas agresibong information campaign para makamit natin ang tinatawag na herd immunity ngayong taon,” sinabi ni Marcos.