Nagulantang ang mga netizen matapos ianunsyo ng isang photo and videography company na ikinasal na ang basketball star na si Kai Sotto at actress-model na si Rere Madrid.
Sa kanilang social media post noong Miyerkules, Mayo 27, binati ng kumpanya ang bagong kasal at kinumpirma ang pag-iisang dibdib ng dalawa.
“No more ‘you’ and ‘me’—only us from here on out. Officially married, @kzsotto and @reremadrid,” ayon sa caption ng post.
Samantala, sa Instagram post ni Rere Madrid, ibinahagi niya na ang kanyang emosyon at pagsasalarawan ng kanilang paglalakbay bilang magkasintahan hanggang sa kasal.
“till feels unreal that we finally get to call this day ours (Mr & Mrs Sotto),” ayon kay Rere, kung saan nagpasalamat din siya sa Diyos, sa kanilang pamilya, at sa mga taong sumuporta sa kanilang relasyon.
Aniya, dumaan man sila sa mga hamon at hindi pagkakaintindihan, pinili pa rin nilang magtiwala sa isa’t isa, na lalong nagpatatag sa kanilang samahan.
Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa kanilang mga magulang at kapatid na naging bahagi ng kanilang relasyon, at sinabi na isa sa pinakamagandang pakiramdam para sa kanila ay ang pagsasama ng dalawang pamilya.
“Now, we’ll continue chasing our dreams together, hand in hand,” dagdag pa niya.
Makikita rin ang katulad na post sa Instagram account ni Kai Sotto.
Nauna nang ginawang publiko nina Kai at Rere ang kanilang relasyon noong Hulyo 2024 nang dumalo sila bilang magkasama sa isang gala event.












