Patuloy na tinututulan ng Commission on Elections (Comelec) ang panukala ng mga mambabatas na palawigin pa ang voter registration na magtatapos na sa katapusan ng buwan ng Setyembre.
Paliwanag ni Comelec Spokesperson James Jimenez, kahit isang linggo lamang daw kasi ang kanilang extension ay apektado pa rin ang kanilang paghahanda sa 2022 national at local elections.
Aniya, dapat daw ay ikonsidera rin ng mga mambabatas na nasa kalagitnaan ngayon ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at mahirap ang ginagawa nilang preparasyon.
Mahirap din umanong magsagawa ng isang buwang extension ng voter registration sa buwan ng Oktubre dahil nakalaan na ang October 1 hanggang 8 para sa filing ng certificate of candidacy (CoC) para sa mga tatakbo sa susunod na halalan.
Maliban dito, nalagpasan na raw ng Comelec ang kanilang target na magparehistro para sa halalan at nasa mahigit 61 milyon na ang lahat ng mga nakapagrehistro.
Una rito, sinabi ni Comelec Commisioner Marlon Casquejo na isang linggo lamang umano ang kayang ibigay ng Commission on Elections (Comelec) na palugit para sa extension ng voter registration.
Una rin kasi umanong nanindigan ang poll body na hanggang sa Setyembre 30 na lamang ang deadline ng pagpaparehistro.
Gayunman puwede naman silang magsagawa ng isang linggong extension pero ito ay pagkatapos na ng filing ng certificate of candidacy (CoC).
Dagdag ni Casquejo, tatalima raw ang Comelec kapag ang panukalang extension ng voter registration hanggang sa Oktubre 31 na nakabinbin sa Kongreso ay maipapasa bilang isang batas.