-- Advertisements --

Umabot sa kabuuang P15,270,000 na cash assistance ang naipamahagi kaninang umaga, Nobyembre 11, sa mga displaced workers ng Mactan Economic Processing Zone sa lungsod ng Lapu-lapu bilang bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng gobyerno.

Pinangunahan ni Senator Imee Marcos, kasama sina Mayor Junard ‘Ahong’ Chan at Congresswoman Cindi King-Chan, ang pamamahagi ng P3,000 cash assistance.

Aabot naman sa 5,270 na indibidwal ang naka benepisyo ng nasabing tulong pinansyal.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng senadora na paregalo umano niya sa kanyang birthday ang pagtulong sa mga Cebuanong walang trabaho para makaahon ang mga ito sa kahirapan lalo na’t tumataas na ang mga bilihin.

Saad din nito na mas masarap sa pakiramdam kaysa sa anumang regalo ang magdiriwang ng kaarawan kasama ang mga displaced workers at ibahagi ang mga biyaya sa mga nangangailangan.

Umaasa rin itong makakahanap ng nararapat na trabaho ang mga Cebuano.

Bilang pasasalamat sa opisyal, sabay-sabay naman itong kinantahan ng birthday song ng mga dumalo.

Samantala, sa panig naman ni Chan, nangako itong tutulong ang lungsod sa pamamagitan ng pagsagawa ng job fair para mabawasan ang bilang ng mga walang trabaho sa lungsod.