-- Advertisements --
image 125

Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development na ang maliliit na retailer na apektado ng rice price cap ay maaaring makatanggap ng P15,000 financial assistance sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD.

Ang Department of Trade and Industry (DTI) at ang Department of Agriculture (DA) ay gagawa ng mekanismo at listahan ng mga benepisyaryo para sa tulong.

Sinabi ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na nakausap niya kamakailan si House appropriations committee chairperson Elizaldy Co ng Ako-Bicol party-list ukol sa nasabing usapin.

Aniya, ipinaliwanag niya na meron pa naman umanong pondo ang DSWD para gamitin ang Sustainable Livelihood Program.

Dagdag dito, nagkabisa na kasi ang price ceiling sa bigas ngayong araw ng Martes, Setyembre 5.

Ang mandated price ceiling para sa regular milled rice ay P41 kada kilo habang ang mandated price cap para sa well-milled rice ay P45 kada kilo, ayon sa Executive Order 39 ni PBBM.

Ang pag-apruba ni Pang. Marcos sa price ceiling ay nag-ugat sa pagtaas ng presyo ng retail ng bigas sa mga lokal na pamilihan, na mula P45 hanggang P70 kada kilo.

Una nang sinabi ng Pangulo na ang mandatory price ceiling sa bigas ay pansamantala lamang.