-- Advertisements --

Mariing kinukundena ng Kabataan Partylist ang ginawang pambabastos umano ni National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema sa isinagawang Pandesal Forum sa Quezon City kung saan si Rep. Raoul Manuel ang panauhing pandangal.

Sinabi ni Manuel na imbes mapag-usapan nang maayos ang mahahalagang isyu ng bayan tulad ng kakapasa lang na national budget ay nanggulo pa si Cardema at niredtag lang si Rep. Manuel at ang Kabataan Partylist.

Ayon sa mambabatas, ang ginawa ni Cardema ay hindi katanggap-tanggap na asal mula sa isang pampublikong opisyal at dagdag dahilan pa ito para siya ay tanggalin sa pwesto.

Mas mainam kasi na sagutin ni Cardema ang sarili niyang mga tanong na binabato kay Rep. Manuel kaugnay sa mga anomalyang naungkat ng COA sa paggamit ng pondo ng NYC sa panahong bahagi na siya ng ahensya. Matagal nang inulat ng COA ang mga anomalyang ito bago pa man mabuksan ang usaping ito muli sa Kongreso.

Sa ngayon, abala ang Kabataan Partylist sa pakikipagtulungan sa mga Sangguninang Kabataan upang magtulak ng mahahalagang reporma tulad ng batas na R.A. 11768 o ang SK Empowerment Law na pinanukala ni Kabataan Rep. Sarah Elago noong 18th Congress.

Imbes na magsayang ng oras ang NYC ay dapat mailabas na nila ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng SK Empowerment Law sa pinakamadaling panahon dahil tatlong buwan nang delayed ang paglathala nito.

Inihayag ng Makabayan bloc lawmaker kung wala ng matutulong si Cardema para tugunan ang mga suliranin ng kabataang Pilipino, dapat mag-resign na siya sa pwesto.

Aniya, ang National Youth Commission (NYC) ay dapat nangunguna sa mga programa at serbisyo katuwang ang mga kabataan para solusyonan ang mga totoong problema ng kabataan kaugnay ng ligtas na balik-eskwela, kawalan ng trabaho, at iba pa.