WASHINGTON – Ikinababahala ng International Rescue Committee (IRC) ang kawalan ng access sa coronavirus testing ng mga kababaihan mula sa mga bansang may hinaharap din na iba pang krisis bukod sa pandemic.
Lumalabas sa pag-aaral ng komite na nasa higit 70-percent ng COVID-19 cases sa mga bansang Pakistan, Afghanistan at Yemen ay mga lalaki.
Pareho rin daw ang datos na ito sa mga kaso ng sakit sa Central African Republic, Chad at Somalia. Mas mataas mula sa global average na 51-percent.
“What we are seeing is a situation in which women are potentially being left out of testing and their health deprioritized,” ani Stacey Mearns, senior technical advisor ng emergency health sa IRC.
Una nang hinimok ng World Health Organization (WHO) ang mga bansa na isali sa kanilang COVID-19 report ang breakdown ng mga kasarian at edad ng tinamaan ng sakit.
Pero sa report noong nakaraang buwan, sinabi ng WHO na wala pa sa kalahati ng confirmed cases sa buong mundo ang naiulat nang may kaukulang datos.
Sa hiwalay namang mga pag-aaral sa China, Europe at Estados Unidos, lumalabas din na mga kalalakihan ang karamihan sa mga nao-ospital at namamatay dahil sa coronavirus.
Gayunpaman, hindi raw naisali sa resulta ng ginawang pag-aaral ang pagitan ng mga kasarian ng confirmed cases.
“The numbers do not add up,” ani Mearns.
Ayon sa IRC, labis na limitado ang testing sa mga low-income countries. Lalo na sa mga conflict zones, kung saan may malaking porsyento ng gender gaps.
Kadalasan daw kasing biktima ng diskriminasyon at inequality ang mga kababaihan mula sa bansang ito. (Thomson Reuters Foundation)