Patay sa operasyonng militar sa Sulu ang apo ng lider ng Abu Sayyaf Group na si Radullan Sahiron.
Matapos makatanggap ng tip mula sa komunidad, nagsagawa ng pursuit operation ang tropa ng Joint Task Force Sulu para harangin ang dalawang ASG members na nakasakay sa motorsiklo sa Barangay Bilaan, Talipao, Sulu dakong alas-9:45 kagabi.
Sinabi ni Major General Corleto Vinluan, Joint Task Force Sulu commander, nagpaputok nang baril sa mga sundalo ang mga tumakas na ASG members, pero nagawang makaganti rito ng tropa ng pamahalaan.
Na-recover pa ng mga sundalo ang isang wala nang buhay na katawan na iniwan sa gilid ng kalsada sa Barangay Lambana sa gitna nang paghahabol nila sa mga tumakas na miyembro ng ASG.
Base sa imbestigasyon, ang patay na ASG member na iniwan sa daan ay kaanak ni Sahiron na si alias Vikram.
Kaagad namang dinala ang katawan ni Vikram sa Kuta Heneral Teodolfo Bautista Station Hospital.
Nabatid na walang nasugatang sundalo sa naturang operasyon.
Noong Biyernes lang, 11 sundalo ang napatay habang 14 iba pa ang sugatan sa engkuwentro sa umano’y mga miyembro ng ASG sa Patikul, Sulu.