Kinumpirma ni House Speaker Alan Peter Cayetano na sisilipin ng Kamara ang implementasyon at operasyon ngayon ng K to 12 education program.

Ayon kay Cayetano, nagkasundo ang lahat ng kongresista sa pananaw na hindi natutugunan ng ipinatupad na programa ang pangako nito na mabigyan ng oportunidad na trabaho ang Grade 12 graduates.

“We in the House are of the consensus that K-12 is not living up to its promise, which is, after you finish senior high school, you don’t have to go to college. You gain skills to be employed,” ani Cayetano sa isang statement.

Aminado ang House Speaker na sa kabila ng pagkakataong makapag-aral ng vocational at technical courses ng senior high school students ay hindi naman nasusulit ng mga ito ang pag-aaral dahil sa mga kulang na gamit sa paaralan.

“But many schools still lack equipment, whether it is automotive, electrical or sports. So there are issues that we have to address,” dagdag nito.

Sa ilalim ng inilaang budget ng Kamara para sa 2020, P551-bilyon ang mapupunta sa Department of Education.

Mataas ito ng P20-bilyon mula sa P531-bilyong budget ng kagawaran ngayong taon.

Nagdagdag pa ang mga kongresista ng hiwalay na P850-milyon para sa DepEd kung saan P650-milyon dito ang para sana sa improvement ng K to 12 program.